Home NATIONWIDE Bagong disenyo ng flood control, slope protection project ipinanawagan ni PBBM

Bagong disenyo ng flood control, slope protection project ipinanawagan ni PBBM

MANILA, Philippines – KAILANGANG mag-adopt ang pamahalaan ng bagong disensyo sa pagtatayo ng imprastraktura para sa flood control at slope protection para maayos na matugunan ang banta ng climate change.

Sa isang media interview sa Laurel, Batangas, kasunod ng pamamahagi ng iba’t ibang tulong, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang kamakailan lamang na kalamidad kabilang na ang pagbaha ay masasabing ‘uprecedented’ hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.

Sinabi pa nito na ang umiiral na flood control structures ay ‘overwhelmed’, ipinanukala na dapat na sundin ang ‘science’ o siyentipiko para tugunan ang mga hamon na dala ng pagbabago sa weather pattern.

“Tingnan ninyo hindi lamang dito. Nakita niyo ba ‘yung nangyari sa Espanya? Nakita niyo ba ‘yung mga nangyayari sa iba’t ibang lugar? Sa States ‘yung mga nangyayari? Ganyan din. Doon din sa mga lugar na ‘yun ay ngayon lang nangyari ‘yan,” ang sinabi ng Pangulo sa mga mamamahayag.

“Kaya’t [ang] gagawin natin babaguhin natin ang mga design, patitibayin natin ‘yang mga infrastructure, mga flood control, ‘yung mga slope protection, pati ‘yung mga tulay, lahat ‘yan kailangan nating baguhin. Tingnan natin ang mas magandang design.” aniya pa rin sabay sabing “The recent devastations never happened before and “it is something that we have to deal with.”

“We have to be smarter, we have to be more technologically aware of what is available so that we can reduce the effects,” ang winika ng Pangulo.

Tinukoy pa rin ng Punong Ehekutibo na ito ang dahilan kung bakit nakipaglaban ang bansa at napagtagumpayan ang hosting ng Loss and Damage Board in the Philippines.

Sa naging pagbisita ng Pangulo sa Batangas, inatasan ntio ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na paigtingin ang paghahanda para sa natural disasters, kabilang na ang pagbaha at landslides.

Ipinag-utos ng Chief Executive sa Department of Science and Technology (DOST) na ayusin ang warning systems at magtatag ng standard procedure para sa unti-unting pagpapakawala ng tubig mula sa dams bago pa bumagyo para mabawasan ang panganib na dulot ng pagbaha.

Gayundin, inatasan ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang ahensiya ng gobyerno na baguhin ang kanilang flood control masterplans at palawigin ang kapasidad ng imprastraktura para pangasiwaan ang tumataas na panganib dahil sa pagbaha. Kris Jose