Home NATIONWIDE C-295 aircraft na sumadsad sa Basco airport, maaayos pa – AFP chief

C-295 aircraft na sumadsad sa Basco airport, maaayos pa – AFP chief

MANILA, Philippines – Maaari pang maayos at maibalik sa serbisyo ang Philippine Air Force (PAF) C-295 medium transport aircraft na sumadsad sa runway ng Basco airport na magdadala sana ng mga relief goods para sa mga apektado ng bagyong Leon.

“Kagabi ay nai-tow na natin ito sa gilid ng Basco Airport. Basco Airport can now resume its operations,” pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Romeo Brawner Jr. nitong Lunes, Nobyembre 4.

Siniguro ni Brawner na ang pamahalaan ay may iba pang airlift assets na magagamit para sa disaster relief missions.

Ang Philippine Air Force ay may available pang C-130 cargo aircraft, bukod sa iba pang C-295 medium transports, sa pagsasagawa ng relief missions.

Nagpapatuloy na ulit ang pagbabyahe ng relief goods sa Batanes, ani Brawner.

“And in anticipation of the arrival of (Tropical Storm) Marce, ‘yun bagong bagyo natin, ay nag-preposition na tayo ng family food packs sa Batanes,” dagdag niya.

Matatandaan na noong Nobyembre 1 ay natanggalan ng nose landing gear ang eroplanong may tail number 217 habang papalapag sa Basco Airport.

Ligtas naman ang lahat ng piloto at crew members ng eroplano.

Iniimbestigahan na ng PAF ang insidente. RNT/JGC