MANILA, Philippines – OKAY kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang plano ng mga mambabatas na siyasating mabuti ang mga flood control project ng pamahalaan para sa malawakang pagbaha dala ng Severe Tropical Storm Kristine.
Sa isang ambush interview sa Laurel, Batangas, araw ng Lunes, tinukoy ni Pangulong Marcos ang flood control projects ng bansa ay ”overwhelmed” sa pagbuhos ng malakas na ulan. Aniya ang naturang malawakang pagbaha ay hindi nangyari noon.
‘Oo, Sige! Wala akong problema. But also they have to realize there are two sides to this. Sinasabi ‘yung flood control– talagang na-overwhelm ang flood control natin. May flood control tayo, hindi kaya,” ayon sa Pangulo.
”Hindi talaga kaya dahil sa buong kasaysayan ng Pilipinas wala pang ganito, ngayon lang natin haharapin ito. Kaya dapat maunawaan talaga ng tao, hindi lamang ‘yung budget kung hindi kung ano ‘yung science, what’s the science, follow the science. See what’s happening,” litaniya nito.
Sa ulat, tiniyak naman ni Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Biyernes na tatanungin ng mga senador ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno kung ano ang nangyari sa multi-bilyong pondo para sa mga flood control projects.
“Inaasahan ko na ito ay dadalhin sa mga deliberasyon ng badyet ng DPWH, DENR, DILG, DSWD, [at ang] DND/OCD,” sabi ni Escudero.
Ginawa ni Escudero ang pahayag matapos ang matinding pagbaha na dala ng Severe Tropical Storm Kristine.
“Gayunpaman, sa pagsulong, hindi lamang namin gagawin ang eksaktong pananagutan kundi siguraduhin din na ang 2025 na badyet ay magbibigay ng mga hakbang sa pag-iwas upang maiwasan ang pag-ulit pati na rin ang sapat na rehabilitasyon at pagtugon sa kaso ng isang katulad na kalamidad sa hinaharap,” sabi niya.
Magpapatuloy ang budget deliberations sa Nobyembre 4, 2025.
Nauna nang sinabi ni Escudero na nasa P255 bilyon ang inilaan para sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa P5.768-trillion national budget para sa 2024. Kris Jose