QUIRINO, Philippines – Para sa agarang ikadarakip ng mga suspek sa pagpaslang sa mag-asawa na bagong kasal ay naglabas na ng pabuya o reward money sa halagang P200,000.00 sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa Brgy. Gabriella Silang, Diffun, Quirino.
Kinilala ang mag-asawa na bagong kasal na biktima na sina Joel Tayaban, 45-anyos at Brenda Tayaban, 41-anyos, parehong magsasaka at residente sa nabanggit na lugar.
Pinagbabaril sa loob mismo ng kanilang tinutuluyang bahay na pagmamay-ari ng kanilang amo.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang apat (4) na basyo ng bala ng 9mm.
Ayon kay PMaj. Jayford Bullong, hepe ng Diffun Police Station, ang nasabing halaga na pabuya ay pinaghatian ng LGU Diffun (P100,000.00) at ng Brgy. Gabriella Silang at pamilya ng mga biktima (P100,000.00).
Lumalabas sa kanilang imbestigasyon na pagnanakaw ang motibo sa krimen matapos mabatid na nawawala ang perang naipon mula sa kasal (gala-gala) ng mag-asawa na aabot sa halagang P147,000.00, dalawang (2) cellphone at ang bag ng babaeng biktima.
Sa ngayon, may ikinokonsiderang Persons of Interest (POI) ang pulisya ngunit kinakailangan pa rin nilang mangalap ng mas matibay na ebidensya para sa kaukulang pagsasampa ng kaso.
Dahil dito, umaasa ang mga pamilya’t kamag-anak ng mag-asawa na makakamit nila ang ang hustisya sa lalong madqling panahon. (REY VELASCO)