MANILA, Philippines- Muling isinelada ang isang 34-anyos na lalaki na wala pang isang buwang nakakalaya mula sa Bilibid, matapos makuhanan ng shabu na aabot sa P700,000 ang halaga at baril sa isang buy-bust operation sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal, nitong Miyerkules ng gabi.
Batay sa ulat, nakalaya ang suspek noong May 10, 2025 matapos ang pitong taong pagkakakulong dahil sa mga parehong paglabag sa batas.
“Napag-alaman na kalalabas lang nya sa Bilibid Prison Maximum Security at nag-serve siya roon ng seven years. ‘Yung source ng kanyang ilegal na droga ay galing din doon sa kasama niya sa Bilibid na nai-release nung April. Nauna sa kanyang lumabas,” paglalahad ni Police Colonel Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office.
Natukoy din ang suspek na isang high value individual.
Nasabat ng mga awtoridad ang tatlong pakete ng shabu na nasa 100 gramo at nagkakahalaga ng mahigit P700,000, at isang baril na may bala.
“Hindi po sa akin ‘yun. Gumagamit po ako dati. Hindi po nagbebenta,” giit naman ng suspek.
Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Taytay Police custodial facility at kinasuhan na ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Omnibus Election Code. RNT/SA