MANILA, Philippines — Inilarawan ng Israeli Ambassador sa Pilipinas na si Dana Kursh ang bagong Supreme Leader ng Iran na si Mojtaba Khamenei bilang “clone” ng kanyang amang si Ayatollah Ali Khamenei na nasawi sa US-Israel airstrikes noong Pebrero 28.
Sa eksklusibong panayam sa GMA News, sinabi ni Kursh na mahigpit na mino-monitor ng Israel ang bagong lider ng Iran na suportado umano ng Revolutionary Guards.
“So I’m afraid that his son is a clone of his dad,” ani Kursh, sabay sabing may intelligence umano ang Israel na ang ideolohiya ni Mojtaba ay kapareho ng kanyang ama.
Nilinaw ng Israeli envoy na hindi layunin ng kanilang bansa na pumili ng susunod na lider ng Iran, ngunit umaasa silang pipili ang mamamayang Iranian ng ibang pinuno sa hinaharap.
Samantala, nananatiling mataas ang tensyon sa Strait of Hormuz matapos magbanta ang bagong liderato ng Iran na harangin ang daloy ng langis sa nasabing mahalagang ruta ng pandaigdigang enerhiya.
Ayon kay Kursh, gagawin ng Israel ang lahat upang manatiling bukas ang nasabing daanan.
“We would do everything in our power to leave the strait open,” aniya.
Iginiit din ng envoy na malaki na umano ang pinsala sa kakayahang militar ng Iran matapos ang mga pag-atake.
“Their navy is almost eliminated, their air force is almost eliminated,” dagdag niya.
Sa kabila nito, iniulat na patuloy pa rin ang ilang insidente ng pag-atake sa mga sasakyang-dagat malapit sa Strait of Hormuz nitong mga nakaraang araw. RNT/JGC