ZAMBOANGA, Philippines – Inanunsyo ng National Wages and Productivity Commission na epektibo ngayong Mayo ang bagong minimum wage para sa mga kasambahay sa Zamboanga Peninsula (Region 9), na may dagdag na PHP500 hanggang PHP1,000.
Ayon sa komisyon, magsisimula ang wage adjustment sa Mayo 20, 2026, at saklaw ang mga lungsod ng Dapitan, Dipolog, Isabela, Pagadian, Zamboanga, at mga lalawigan ng Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, at Zamboanga Sibugay.
Batay sa Wage Order No. RIX-DW-06 b, magiging PHP6,000 ang minimum sahod sa mga chartered cities at first class municipalities mula sa dating PHP5,500.
Sa mga first class municipalities sa Sulu tulad ng Indanan, Jolo, Parang, Patikul, Siasi, at Talipao, tataas ng PHP1,000 ang sahod—mula PHP5,000 ay magiging PHP6,000.
Samantala, sa iba pang munisipalidad sa Sulu, may dagdag na PHP500 kaya magiging PHP5,500 ang minimum wage mula PHP5,000.
Inilabas ang wage order noong Abril 16, 2026. RNT/MND