Home NATIONWIDE Bagong OFW lounge sa NAIA T1, inilunsad ni PBBM

Bagong OFW lounge sa NAIA T1, inilunsad ni PBBM

256
0

MANILA, Philippines – Bilang maagang pamasko ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mga magbibiyaheng overseas Filipino workers (OFWs), isang bagong OFW lounge ang binuksan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang bagong bukas na lounge ay sumasalamin sa pangako ng Pangulo na magbigay ng makataong serbisyo publiko.

“Bilang tugon sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maghatid ng serbisyong may puso, binuksan kahapon ang bagong OFW lounge sa NAIA Terminal 1,” sinabi ni Castro sa isang  press briefing sa Palasyo ngayong Martes.

Pinangunahan ni First Lady Louise Araneta-Marcos ang ribbon-cutting kasama si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac. Dumalo rin sina Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Patricia Yvonne Caunan, Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano, at New NAIA Infra Corp. (NNIC) Chairman at CEO Ramon Ang.

Binanggit ni Castro na ang bagong OFW lounge ay nagsisilbing unang handog-holiday ng Pangulo para sa mga tinaguriang makabagong bayani ng bansa.

Nagbibigay ang lounge ng mas maluwag at komportableng lugar para sa mga OFW sa paliparan. Mayroon itong mga pinahusay na serbisyo gaya ng libreng pagkain at inumin, maayos na pahingahan, charging stations, at ligtas na silid imbakan ng bagahe.

“Ang pagbubukas ng panibagong OFW lounge ay patunay lamang na prayoridad ni Pangulong Marcos Jr. at ni First Lady Liza Marcos ang kapakanan ng ating mga bagong bayani,” ayon pa kay Castro. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here