Home NATIONWIDE DAR patuloy na magtataguyod ng matatag, maunlad na agrarian communities – Estrella

DAR patuloy na magtataguyod ng matatag, maunlad na agrarian communities – Estrella

276
0

MANILA, Philippines – Ipinagmalaki ng Department of Agrarian Reform (DAR) na patuloy na pinalalakas nito ang pagbuo ng matatag at masiglang komunidad pang-agraryo upang umunlad ang agrarian communities.

Sinabi ito ni Secretary Conrado Estrella III sa pagbubukas ng Agraryo Trade Fair (ATF) 2025 noong Disyembre 1, 2025 sa Quantum Skyline, Gateway 2 Mall sa Quezon City.

“Nawa’y maging daan ang trade fair na ito para sa mas matibay na ugnayan, higit na inobasyon, at mas mataas na pagpapahalaga sa galing ng ating mga magsasaka,” ani Estrella.

May temang “Gawang ARBO, Tatak Agraryo,” ang trade fair ay nagtatampok sa husay, likhang-sining, at kasaganahan ng mga produkto ng agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Ayon sa DAR mahigit 300 produkto ng ARB Organizations (ARBOs) mula Cordillera Administrative Region (CAR) hanggang CARAGA, kabilang ang Bangsamore Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang tampok sa trade fair—na nagbibigay ng mas malawak na oportunidad para sa promosyon, pagtutugma ng produkto sa tamang merkado, at pagpapalawak ng koneksyon sa negosyo.

Inayos ang trade fair sa tatlong market zones—Harvest Exchange, Prosperity Market, at Community Treasures Pavilion—para sa mas organisado at kaaya-ayang pamimili.

Idinagdag pa ng DAR na makikinabang ang mga ARBO mula sa mas mataas na visibility sa institutional buyers, retail chains, food service providers, at publiko. Nagbibigay rin ang fair ng pambansang entablado para maipakita ang pinakamahusay na produkto ng mga ARB at ARBO, at makabuo ng estratehikong pakikipag-ugnayan sa kapwa magsasaka at pribadong sektor.

Kaugnay nito binigyang-diin ni Undersecretary Josef Angelo S. Martires ang direktang benepisyo ng fair sa mga komunidad. “Bawat pagbili ay direktang tulong sa ating mga magsasaka at kanilang pamilya. Sa pagpili ng lokal, itinataas natin ang kabuhayan at pinatatatag ang pag-unlad ng mga komunidad ng agraryo,” aniya.

Samantala pinangungunahan ng DAR–Bureau of Agrarian Reform Beneficiaries Development (BARBD), ang ATF ang taunang pinakamalaking pagtatanghal ng mga produktong galing sa ARBs at kanilang mga organisasyon—mula sariwang ani hanggang processed goods, handicrafts, at artisanal items.

Kabilang sa mga panauhing pandangal sa okasyon ay sina Eleanor C. Bulut-Begtang, Chairperson ng House Committee on Agrarian Reform; Joey Concepcion, Founder ng Go Negosyo at Chairperson ng ASEAN-BAC Philippines; Engr. Paolo N. Diaz, Chief Strategy Officer ng Gothong Southern Group of Companies; William Dar, Senior Adviser ng Go Negosyo–KALAP; at Ma. Celeste A. Burgos, Executive Vice President at Head ng National Development Lending Sector ng Land Bank of the Philippines.

Bukas ang Agraryo Trade Fair 2025 mula Disyembre 1–5, 2025, sa Quantum Skyline, Gateway 2 Mall, Quezon City. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here