Home NATIONWIDE Lahat ng pamilya sa Pasig makakatanggap ng pamaskong handog – Vico Sotto

Lahat ng pamilya sa Pasig makakatanggap ng pamaskong handog – Vico Sotto

245
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Pasig City Mayor Vico Sotto na lahat ng pamilya sa Pasig—kahit may problema sa pag-integrate ng PasigPass at National ID—ay makatatanggap pa rin ng kanilang Pamaskong Handog (PH) pack ngayong papalapit ang Pasko.

Gamit ang integrated PasigPass at National ID, tinitiyak ng lungsod na bawat pamilya ay isang PH pack lang ang matatanggap, upang maiwasan ang doble o pekeng claims.

Inamin ni Sotto na may mga reklamo mula sa mga Pasigueño tungkol sa verification problems tulad ng login errors at hirap sa pag-proseso. Dahil dito, inatasan niya ang PH team na i-override muna ang system para sa mga pamilyang lahat ng miyembro ay may integration issues.

Ayon kay Sotto, kung sa isang bahay ay lahat nagkakaproblema sa integration, magbibigay pa rin ng PH pack. Isa lang ang ibibigay kahit naka-override ang system.

Gayunpaman, hinihikayat niya ang bawat pamilya na magkaroon kahit isang miyembro na tapos ang integration, dahil higit 300,000 Pasigueño na ang naka-link ang PasigPass sa National ID, na nangangahulugang halos bawat pamilya ay may isang verified account.

Ipinaliwanag ni Sotto na ang integration ay isa sa mga pangunahing proyekto ng lungsod para sa 2025–2026.
Layunin nitong gawing mas epektibo at tumpak ang paghahatid ng serbisyo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malinis at totoo na data, na mahirap manipulahin o dayain.

Ayon kay Sotto, noong mga nakaraang taon ay may maraming kaso ng fraud, tulad ng pagdeklara ng mas maraming pamilya sa isang bahay para makakuha ng mas maraming benepisyo. Mayroon ding mga insidente na may mga hindi biktima ng sunog pero nakiki-claim ng tulong.

Aniya, “’pag may nanlalamang, may nanawalan. Kaya kailangan natin ng mga sistemang mahirap dayain para patas ang lahat.”

Dahil unang taon pa lang ng integration, humihingi si Sotto ng pang-unawa dahil ang mga bagong sistema ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na debugging, recalibration, at adjustments.

Dagdag pa niya, makatutulong ang integration hindi lang sa PH distribution kundi pati sa pagpaplano at paggawa ng mga programa ng iba pang tanggapan tulad ng Office for Senior Citizens Affairs, Persons with Disability Affairs Office, City Engineering Office, City Planning and Development Office, City Health Department, at mga ospital ng lungsod.

Sa mas malinis na database, mas mapapabuti pa ang mga proyekto at serbisyo ng lungsod. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here