
MAINIT-INIT pa mula sa election microwave noong nakaraang linggo, mayroon tayong bagong grupo ng 53 party-list representatives sa Kongreso. Bagamat karamihan sa atin ay nakikilala ang ating mga district congressman, ang problema sa mga party-list ay iyong marami sa atin ay wala man lang ideya sa kanilang pinaninindigan.
Sa 63 pwesto na nakalaan para sa party-lists, 47 ang para sa mga grupong nakakuha ng sapat lang na boto para sa isang puwesto kada organisasyon. Dalawampu’t walo sa kanila ay bago — karamihan ay malamya ang pangalan na para bang nabunot lang sa tambyolo ng pa-raffle: Kamalayan, Swerte, Kapuso PM, KM Ngayon Na, 4K.
Walang dudang may recall sila sa mahalagang mayorya ng mga botante dahil sa mensahe ng kanilang mga campaign slogan at jingle. Pero sa likod ng bawat poster at ad nila ay isa o higit pang “mastermind” funder.
Higit pa sa public agenda na ayon sa kanila ay dahilan ng kanilang pagsabak sa pulitika, marahil mas importante na obligahin ang pagbubunyag kung sino ang nagpopondo sa mga grupong ito. Ngayong nahalal na, may pananagutan na sila sa mga botante, at dapat lang na bukas na sila sa pagsusuri ng publiko.
Karapatan ng publiko na malaman kung ang mga sinasabing kampeon ng masa na ito ay totoong makikipaglaban para sa kapakanan ng mga pinakanangangailangan — o mga naggagandahang front lang na may lihim na agenda at layuning pang-dynasty.
Bentahan ng P20 bigas
Ang bigas na nagkakahalaga ng P20 kada kilo ang pinakaprominenteng pangako sa pangangampanya noong 2022. Ngayong tapos na ang eleksyon, bumalik na ito — pero nababalot na ng kondisyon, suspetsa, at damage control.
Isinusulong ng administrasyong Marcos ang pilot run ng “subsidized rice” na ito, nangangako ng kalidad at sustansiya. Pero hindi nagpauto ang publiko — sa gitna ng mga usap-usapang kumakalat online at sa pagdududa rito mismo ni VP Sara Duterte, nagbabalang hindi marahil iyon makakain, kahit ng mga baboy.
Karamihan sa mga bumoto noong nakaraang linggo ay may hinalang ang bentahan ng mumurahing bigas na ito ay isa pang perpekto ang timing na galawang pampulitika na pinagmukhang polisiya ng Pangulo. Ang P20-kada-kilong bigas — na napakatagal nang ipinangako, at sobrang atrasado na — ay bigla na lang inianunsyo sa kasagsagan ng pangangampanya para sa midterm elections. Bilang istoryang pangkampanya, para sa ilan ay nagmistula itong vote-buying. Hindi ito ipinamahagi noong panahon ng kampanya, siyempre pa, sa pangambang maikonsidera ito bilang paglabag sa mga patakarang panghalalan.
Well, tapos na ang eleksyon, nabilang na ang mga balota, at ngayon, ito na ang pabuya. Sa kasalukuyan, ang mga botanteng “nag-deliver” ay tatanggap ng mistulang gantimpala: mumurahing bigas kapalit ng pagiging mabait.
Sakaling totoo ang hinuhang ito, ang pamamahagi ng bigas ng National Food Authority, kung gayon, ay hindi lamang dapat tumutok sa mga teritoryo ng mga kaalyado ng administrasyon. Abangan natin kung patas na ipapamahagi ang bigas.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.