Home NATIONWIDE Bagong polisiya ng China sa ‘trespassers’ illegal sa UNCLOS – Zubiri

Bagong polisiya ng China sa ‘trespassers’ illegal sa UNCLOS – Zubiri

MANILA, Philippines – Illegal sa ilalim ng United Nation Convention on the Law of the Seas (UNCLOS) ang bagong regulasyon ng China na nag-uutos na ikulong ang sinumang dayuhan na papasok sa South China Sea.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Lunes, Mayo 20, posible rin nitong pataasin pa ang tensyon sa West Philippine Sea.

“Illegal po ‘yan, bawal po yan under the UNCLOS, the United Nations Convention on the Law of the Seas. Nakapirma d’yan ‘yung China, they are signatory. Tayo din signatory din. Lahat ng claimant countries are signatory dito,” sinabi ni Zubiri sa panayam ng DZBB.

Layon ng UNCLOS ang bukas at malayang access sa lahat ng mga barko na daraan sa South China Sea, at kabilang na rito ang lahat ng lugar sa ilalim ng Philippine Exclusive Economic Zone.

“Kaya ako ay nababahala at wina-warning-an po natin ‘yung mga Chinese Coast Guard and Navy na huwag nila pong gawin yan dahil lalong tataas ang tensyon dito sa region na ito,” ani Zubiri.

“Nakakatakot kasi siyempre, didepensahan natin ang ating mga kababayan… Kung meron pong mangingisda na pupunta po d’yan sa Bajo de Masinloc at huhulihin po nila. Eh siyempre, gagalaw na ‘yung ating Coast Guard at gagalaw na yung ating Navy dahil ano na yun, sibilyan na ang hina-harass nila, hinuhuli nila. Hindi naman tayo papayag,” dagdag pa niya.

Kokondenahin din ng international community ang China kung magkukulong ito ng mga dayuhan na tatawagin nilang “trespassers.”

“The whole world will condemn these actions, unilateral actions of China. Sa tingin ko, kailangan natin ilabas po yan sa buong mundo na truthful tayo,” anang senador.

Dahil dito, suhestyon ni Zubiri na magkaisa ang lahat ng claimants sa SCS sa pagtutol sa bagong polisiya ng China.

“Sa tingin ko, yung buong mga claimants dyan, Vietnam, Malaysia, Brunei at iba pang mga bansa, Indonesia, ay dapat magsama-sama na. At magkaisa na siguro sabihin nila na hindi sila papayag,” ani Zubiri.

Ang kontrobersyal na regulasyon ay ipatutupad umano sa Hunyo, kung saan ikukulong ng China Coast Guard ang mga trespasser sa South China Sea ng hanggang 60 araw.

Noong Sabado ay nauna nang kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang detainment order ng China na tinawag niyang “would be completely unacceptable to the Philippines.”

“The position that we take is that that it is unacceptable, and we will take whatever measures to always protect our citizens,” ani Marcos.

Nasa dalawang senador ng bansa ang nagsabing posibleng maghain ang Pilipinas ng panibagong kaso laban sa China sa international court kung magdedetain ito ng foreign nationals, partikular na ang mga Filipino.

Matatandaan na kinasuhan ng Pilipinas ang China sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong 2013.

Noong Hulyo 2016 ay kinatigan ng Korte ang Pilipinas kasabay ng pagbabasura sa nine-dash claim ng China sa South China Sea.

Tumanggi namang kilalanin ng China ang ruling. RNT/JGC