MANILA, Philippines – Nasa humigit kumulang kalahating milyong pisong halaga ng shabu at pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam kabilang ang dalawang baril at bala matapos na madakip ang apat na hinihinalang tulak sa isinagawang buy bust operation sa General Trias City, Cavite Miyerkules ng umaga, Hunyo 10.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas Christian, alyas Kevin, alyas Ryan at alyas Princess.
Batay sa ulat, bandang alas-5:45 ng umaga nang nasagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Gen Trias Componet City sa BR3 Lancaster, Brgy Pasong Camachille 1, ng nasabing lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakuha sa mga ito ang nasa 40 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P272,000.00, pitong plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana high grade na (kush) na may Standard Drug Price na P60,000.00 at nasa kabuuang P332,000.00 na halaga.
Bukod sa shabu at marijuana, nakuha rin sa mga suspek ang isang kalibre 45 Armscor na baril, isang magazine ng kalibre 45, pitong bala ng kalibre 45, isang kalibre 9mm sub-machine gun mula kay alyas Kevin, isang magazine ng 9mm, limang bala ng kalibre 9mm, isang backback at isang itim na sling bag.
Kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act Law of 202 ang kinakaharap na kaso ng mga naarestong suspek. MARGIE BAUTISTA