Home NATIONWIDE Bagong SHS curriculum ipatutupad na ngayong 2025

Bagong SHS curriculum ipatutupad na ngayong 2025

MANILA, Philippines – PLANO ng Department of Education (DepEd) na i-roll out ang revised curriculum para sa mga Grade 11 at 12, o Senior High School (SHS) Program, ngayong School Year (SY) 2025-2026.

“Maganda ang takbo,” ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara nang hingan ng update ukol sa rebisyon ng SHS curriculum sa sidelines ng DepEd Human Resource and Organizational Development (HROD) Convention sa Pasay City, araw ng Miyerkules, Pebrero 19.

“Maganda ang reception ng ating mga eskwelahan,” ang sinabi ni Angara.

“Natutuwa sila dahil mababawasan ang mga subjects, at pati yung mga estudyante natutuwa at yung mga teachers,” ayon pa rin sa Kalihim.

Tinuran ni Angara na ang implementasyon ng binagong SHS curriculum ay magsisimula ngayong school year subalit hindi ito gagawin ng madalian kundi yugto-yugto.

“So this coming school year, meron naman na,” ayon kay Angara sabay sabing “Pero hindi natin mamadaliin dahil, syempre, yung iba’t-ibang eskwelahan may kanya-kanyang kakayahan para mag-enforce nito.”

Kinokonsidera aniya kasi ng departametno ang kakayahan ng mga eskuwelahan, karamihan ay kailangan na mag-hire ng mga bagong tauhan at maghanda ng curriculum.

“So yun, bibigyan natin sila ng oras para makapag-comply sila,” aniya pa rin.

Nirebisa ng DepEd ang SHS curriculum upang tiyakin na ang programa ay mananatiling makabuluhan at makapagpo-produce ng future-ready graduates.

“The key principles guiding the revision of the SHS program, include decongesting and simplifying the SHS curriculum; putting a premium on learner choice; ensuring “stackability and seamlessness” to facilitate progression; and strengthening industry linkages,” ayon sa DepEd.

At sa malapit nang pagtatapos ng kasalukuyang school year, pinaalalahanan naman ni Angara ang mga eskuwwlahan na mahigpit na ipatupad ang umiiral na polisiya sa graduation at end-of-school-year rites.

“No compulsory charges, strikto tayo diyan,” giit ni Angara. Inulit naman ng Kalihim ang “No Collection Policy” ng DepEd.

Dapat aniyang tiyakin na boluntaryo ang kontribusyon na nire-require ng by Parent-Teacher Associations (PTAs).

Samantala, hinggil naman sa pagbubukas ng klase, malamang na matuloy ang pagsisimula ng klase sa buwan ng Hunyo.

“Palagay ko, tuloy na. Marami nang naka-adjust sa panibagong school year at iyan talaga ang gusto ng ating Pangulo,” aniya pa rin. Kris Jose