MANILA, Philippines – Nagpatupad ng bagong sistema ng pila para sa tradisyunal na “pahalik” sa Poong Jesus Nazareno sa Quirino Grandstand ang mga organizers ng Traslacion ngayong taon upang matiyak ang mas maayos at ligtas na prusisyon.
Inaashang dadalo ang libu-libong deboto sa kaganapan, na magsisimula ngayong Miyerkules ng gabi sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Ayon kay Alex Irasga, technical adviser ng Quiapo Church, “The number is very fluid, but it is always in the thousands.”
Nakapuwesto ang mga security personnel upang bantayan ang paligid at daloy ng mga deboto habang tumatakbo ang aktibidad hanggang Biyernes. Kasama rito ang 1,000 intelligence operatives at 800 Hijos del Nazareno police na sasama mismo sa prusisyon. Nasa huling paghahanda na rin ang Quirino Grandstand para sa Misa Mayor at pagsisimula ng tradisyonal na Traslacion.
Sa ilalim ng bagong sistema ng pila, kailangang bumalik ang mga deboto sa Kalaw Avenue Extension pagkatapos magpahalik sa imahe ng Jesus Nazareno, dahil isasara ang Katigbak Drive.
Pinapayuhan ang mga deboto na mag-queue sa South Drive o Kalaw Avenue Extension sa harap ng Rizal Park Hotel, at ang South Drive ang magsisilbing exit point.
Layunin ng bagong sistema na matapos ang Traslacion sa loob ng 15 oras.
Ang “pahalik” ay isang tradisyunal na Katolikong debosyon kung saan hinahawakan, hinahalikan, o pinipintuho ng mga deboto ang imahe ng Jesus Nazareno.
Magpapatupad ng liquor ban sa loob ng 500-meter radius ng Quiapo Church at sa ruta ng Traslacion, at ipagbabawal ang paggawa, pagbenta, at paggamit ng mga firework at firecracker mula Enero 8 hanggang 9.
Hiniling din sa kapulisan ang no-fly zones, partikular ang pagpapalipad ng drone sa ruta ng Traslacion. Jocelyn Tabangcura-Domenden