MANILA, Philippines – Inilagay ng Department of Health–Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang National Capital Region sa Code White Alert mula Enero 6 hanggang 10 upang matiyak ang kahandaan sa kalusugan para sa Traslacion sa Enero 9.
Layunin ng alert status na tiyakin ang sapat na health personnel, kagamitan, at pasilidad upang mabilis na tugunan ang anumang insidenteng pangkalusugan sa taunang relihiyosong pagtitipon na dinadaluhan ng milyun-milyong deboto.
Nananatiling alerto ang lahat ng DOH-MMCHD personnel, retained hospitals, at Treatment and Rehabilitation Center staff. Ang Regional Medical Teams, District Health Team Leaders, WASH teams, at Health Education teams ay naka-on-call at handa para sa 12-oras na duty.
Ipinakalat din ang health stations at medical teams sa mga pangunahing lugar sa ruta ng Traslacion, kabilang ang Quirino Grandstand, Rizal Park, SM Manila, Ayala Bridge, P. Casal, at Quinta Market.
Dalawampung ospital ng DOH sa Metro Manila ang naka-standby, kasama ang mahigit 200 miyembro ng Health Emergency Response Teams at mga ambulansya.
Pinaalalahanan ng DOH-MMCHD ang mga deboto na unahin ang kalusugan sa pamamagitan ng hindi pagdalo kung may sakit, pag-inom ng sapat na tubig, pag-inom ng maintenance medicines, pagsusuot ng komportableng damit, at pagsunod sa mga safety advisories.
Binigyang-diin ng ahensya na mahalaga ang koordinasyon ng pamahalaan at publiko para sa ligtas at maayos na Traslacion 2026. RNT