MANILA, Philippines – Iniulat ng City Health Services Office-Reproductive Health and Wellness Center ang 211 kumpirmadong kaso ng Human Immunodeficiency Virus-Acquired Immuno-deficiency Syndrome (HIV-AIDS) sa Baguio City noong Nobyembre.
Ayon kay Ghay Hope Alangsab, CHSO HIV-AIDS program co-manager, ang mga pasyente ay edad 20 hanggang 29 anyos.
Ani Alangsab, kailangang palakasin ang kanilang kampanya sa mga kabataan.
Kasabay ng World AIDS Day celebration noong Disyembre 4 na may temang “Take the Right Path,” kinilala ng CHSO ang mga partner at supporter nito sa kanilang pagsisikap at dedikasyon na manindigan at ipatupad ang mandato ng ahensya para wakasan ang HIV-AIDS epidemic pagsapit ng 2030.
Hinimok naman ni Dr. Celia Flor Brillantes, City Health Officer, ang publiko na ipatupad ang kanilang Karapatan.
“Our health care for them (HIV-AIDS patients) is rights-based. We do not discriminate against anyone and that is why we actively encourage everyone to get tested.”
Aniya, ang bawat isa ay may karapatan sa health care at maaaring makakuha ng libreng HIV-AIDS testing at gamutan sa CHSO. RNT/JGC