MANILA, Philippines – Ibinabala ng PAGASA ang posibleng pagiging bagyo ng mabubuong low pressure area sa loob ng Philippine area of responsibility ngayong weekend.
“By tomorrow – Thursday, or Friday, mayroon tayong posibleng low pressure area na ma-develop sa loob ng PAR, east ng Extreme Northern Luzon,” ani weather forecaster Veronica Torres sa isang climate forum.
Kapag nabuo ang sistema, ito na ang ika-10 bagyo sa bansa ngayong taon at itatalaga ang lokal na pangalang Julian.
“Kung ito ay magiging [tropical depression] na, posible itong kumilos papuntang hilagang-kanluran papuntang Japan area,” ayon pa kay Torres.
Inaasahang magdadala ito ng kalat-kalat na pag-ulan at pagbugso ng hangin sa Batanes at Babuyan Islands.
Ang mainit na easterlies mula sa Pacific ay patuloy na makakaapekto sa Southern Luzon at Visayas sa susunod na limang araw. Inaasahan ang magandang panahon sa maraming bahagi ng bansa na may posibleng isolated rain showers lalo na sa hapon dahil sa thunderstorms. RNT