MANILA, Philippines — Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm Higos na binigyan ng lokal na pangalang Gardo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa 5 p.m. bulletin nitong Huwebes, sinabi ng PAGASA na huling namataan ang Gardo sa layong 1,400 kilometro silangan ng pinakadulong bahagi ng Northern Luzon habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 45 kph. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 kph malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 105 kph.
Wala namang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang bahagi ng bansa. Inaasahang mananatiling tropical storm ang Gardo habang nananatiling malayo sa kalupaan at lalabas ng PAR sa Biyernes.
Samantala, inaasahang lalabas na rin ng PAR sa loob ng susunod na anim na oras ang Severe Tropical Storm Francisco.
Huling namataan ang Francisco 625 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes habang kumikilos pahilagang-hilagang-silangan sa bilis na 15 kph. Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging 95 kph malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 115 kph.
Ayon sa PAGASA, inaasahang patuloy pang hihina ang Francisco at posibleng maibaba sa kategoryang tropical storm sa Biyernes. RNT