PAANO kaya nating pagtulung-tulungang pigilin o bawasan ang mga karumal-dumal na krimen ng mga kabataan, lalo na sa hanay ng mga menor-de-edad?
Ang totoo, walang araw na lumipas nitong nagdaang mga araw na mga kabataan ang gumawa ng mga karumal-dumal na krimen.
Sa loob lamang ng ilang araw, bago maganap ang masaker sa baril ng 14 anyos at 15 anyos sa tatlo nilang kaeskwela at ikinasugat din ng ilang iba pa sa Tacloban City, magkakasunod ang iba pang mga krimeng gawa ng mga menor-de-edad.
Sa Cavite City, isang Grade 11 ang sinaksak ng kanyang kaklaseng Grade 11 din.
Habang sinusulat ito, nasa malubha pang kalagayan ang biktima.
Sa Victoria, Tarlac, isang 6 years old ang pinatay at ginahasa ng isang 15 anyos.
Sa Sampaloc, Manila, sinaksak hanggang mamatay ang isang 15 anyos ng isang 17 anyos sa inuman nilang mga kabataan.
Halos kasabay ring naiulat ng Tacloban massacre ang pagsaksak sa isang Grade 9 ng isang Grade 10 sa San Carlos City, Negros Occidental at nasa malubhang kalagayan sa pagamutan ang biktima.
HINDI ISOLATED INCIDENTS
Bago pa ang lahat ng kasong ito, marami pa ang naitala ng ating diaryo na ulat ng pulisya at mamamayan na krimeng gawa ng mga kabataan at karaniwang mga kabataan din ang kanilang mga biktima.
At nagaganap ang mga ito sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Lumalabas tuloy na walang isolated incidents sa mga ito kundi maituturing na may mga nangyayari sa mga kabataan na dapat bantayan at subaybayan.
Malaganap ang paggawa ng matitinding krimen, lalo na ang pagpatay o bigong pagpatay sa loob man o sa labas ng mga eskwela.
MGA DAHILAN
Kung susubaybayan ang mga kasong ito, tila hindi gaanong pinapansin ang mga dahilan o motibo lalo na sa parte ng pulisya.
Para kasi sa pulisya, karaniwang solb na ang isang kaso kung nakilala at nadakip ang suspek at makaraang maisampa ang kaso sa korte at mailagak sa Department of Social Welfare and Development ang mga may sala.
BATAS AT PAGGAWAD NG KATARUNGAN O PARUSA
Pangunahing sinisisi ngayon ang batas laban sa mga menor-de-edad na isang napakalaking dahilan kung bakit may lakas ng loob ang mga ito na gumawa ng mga karumal-dumal na krimen.
Nagpapataw kasi ang Juvenile justice and Welfare Act ng magaan na parusa gaya ng kawalan ng pagkakulong sa suspek, lalo na ang mga may edad 15 pababa.
At kung edad 15 pataas hanggang edad 18, wala pa ring pagkukulong bilang parusa sa krimen dahil suspendido ang parusa para rito.
May damages naman o danyos perwisyo ngunit mani-mani lang para sa mga masasalaping pamilya.
Halimbawa, ang temperate damages ay P25,000-P50,000 lang, ang civil damages ay P50,000-P75,000 lang at ganito rin ang moral damages at exemplary damages bagama’t aabot sa maaaring milyon ang actual damages kung maisasama ang lahat ng gastos gaya ng pagpapaospital, pagpapalibing, pagkasira ng ari-arian at pagkawala ng kita ng biktima sa takdang panahon.
Ano-ano nga kaya ang mga dapat na gawin upang ganap o mabawasan nang malaki ang mga matitinding krimen ng mga kabataan?






