MANILA, Philippines – Nabuo bilang Tropical Depression Paolo ang Low Pressure Area (LPA) sa silangan ng Catanduanes bandang alas-8 ng umaga nitong Miyerkules, ayon sa PAGASA.
Sinabi ng weather bureau na maglalabas sila ng tropical cyclone bulletins simula alas-11 ng umaga.
Sa naunang 24-oras na forecast, inaasahang magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at thunderstorm sa Bicol Region, Eastern at Central Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Aurora, at Quezon dahil sa Easterlies.
Posible ang flash floods o landslide kapag umulan nang malakas.
Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorm. RNT