MANILA, Philippines- Binuksan para sa light vehicles nitong Miyerkules ng hapon ang isinarang bahagi ng Sales Road sa Pasay City.
Sa isang social media post, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – South Manila District Engineering Office na binuksan ang road portion ng alas-4 ng hapon.
Nagsagawa ang maintenance team ng ahensya katuwang ang water concessionaire Maynilad ng asphalt overlay sa kalsada nitong Miyerkules.
Nagsimula ang pagkumpuni sa bahagi ng kalsada noong Lunes.
Inabisuhan ng DPWH ang mga motorista na pansamantalang light vehicles lamang ang pinapayagang dumaan sa bagong kumpuning bahagi ng Sales Road upang matiyak ang kaligtasan ang publiko.
Nadiskubre nitong Linggo ang isang pothole na puno ng tubig sa nasabing kalsada.
Batay sa ulat, maaaring dulot ang pothole ng pipeline leak na nagpalambot sa lupa. RNT/SA