Home OPINION BAHALA NA TAYO SA BUHAY NATIN!

BAHALA NA TAYO SA BUHAY NATIN!

PATULOY na nagliliparan ang mga missile sa himpapawid sa Gitnang Silangan.

Wasak-wasak na ang mga gusali sa mga lungsod, kapwa sa Iran at Israel. Marami na ring sibilyang namatay at nasugatan.

At ang buong rehiyon ay nasa bingit ng pagkagunaw kapag bombang nukleyar na ang pinakawalan.

At isang maling hakbang — maaari tayong maharap sa Ikatlong Digmaang Pandaigdig. Nakatatakot.

Ang mga bansang superpower ay kumikilos na. Naghahanda para sa pinakamasamang mangyayari sa balat ng lupa.

Handa na ba tayong lahat?

Ang ating mga pinuno ay abala sa kanilang pamumulitika. Sa kanilang labanan sa isa’t isa, sa paghihiganti…para sa kani-kanilang interes.

Hindi sila naglilingkod sa bansa para sa kapayapaan. Hindi para sa seguridad ng bawat Pilipino kundi para sa kanilang makukuhang kapangyarihan.

Marami tayong kababayan na naipit sa giyera ng Israel at Iran. Bagama’t kumikilos ang ating gobyerno ay walang katiyakan. Walang malinaw na plano, walang matibay na desisyon.

Kaya ang tanging nasabi ni Pangulong Bongbong Marcos, bahala na ang mga Pilipino sa Israel at Iran, maging ang kanilang mga pamilya na magdesisyon kung nais nila umuwi.

Anak ng kabayong mola, buhay na ng mga OFW ang nakataya, bakit hihintayin pa silang magdesisyon? Bakit hindi na sila hilahin o pwersahin na ibalik sa bansa? Hihintayin pa ba silang magkandamatay kung hindi sa bomba, e sa gutom?

Ang digmaan sa ME ay kakambal ng krisis sa langis. Malaking problema ito.

Umaangkat lang ang Pilipinas ng langis nito at ang 90% ay mula sa Middle East. Wala naman tayong reserba. Saan ngayon kukuha?

Sabi ni Marcos, kapag nagkaroon ng krisis sa langis ay magbibigay ang gobyerno ng subsidiya sa mga motorista, partikular sa mga namamasada. E saan nga kukuha kung sarado ang gripo dahil sa giyera?

Ni hindi nga alam ng Department of Energy ang aktwal na antas ng stock.

Karamihan sa mga kumpanya ng langis ay nagtatago lamang ng 3 araw na imbentaryo dahil sa mataas na halaga ng pag-iimbak. Patay tayo nyan!

Ngayon habang may malaking problemang kinakaharap ang bansa ukol sa giyera na yan, nagawa pang magtungo ni PBBM sa Japan para sa isang expo. Parang wala lang. Hay naku ang Pilipinas, manonood na lang, walang magawa, nakatunganga habang lumalaganap ang krisis.