Home METRO Bahay ng mag-utol na ‘adik’ sinalakay

Bahay ng mag-utol na ‘adik’ sinalakay

SAN MATEO, Isabela – Sinalakay ng mga kasapi ng pulisya at Philippines Drugs Enforcement Agency o PDEA Narcotics Detection Group ang dalawang bahay ng magkapatid na pinaniwalaan umanong mga adik sa Brgy. 4, San Mateo, Isabela.

Sa maigting na direktiba ni PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, na kampanya laban sa illegal drugs, ay sinalakay ang bahay ng magkapatid na sina Ronnie Castillo at Regie Castillo sa Brgy 4, San Mateo, Isabela.

Umabot sa 24 sachet ng pinaniniwalang shabu at limang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakuha sa pag-iingat ni Regie Castillo.

Depensa ni Regie Castillo, bahay ng kanyang kapatid ang sinalakay at nagkataon lamang na nakitulog siya.

Samantala, sa bahay naman in Ronnie Castillo ay nakakuha ang mga awtoridad ng pitong sachet ng pinaniniwalaang shabu at mga drug paraphernalia.

Tila nakatunog sa mga alagad ng batas si Ronnie Castillo nang salakayin ang kanyang bahay subalit siya ay sasampahan pa rin ng kaso kasama ang kanyang kapatid na may kinalaman sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Rey Velasco