MANILA, Philippines – Muling ibinasura ng Sandiganbayan ang bail petition ni Mary Ann Maslog, ang key figure sa P24 milyong textbook procurement anomaly noong 1998.
Si Maslog, na kilala bilang alyas “Dra. Jesica Sese Francisco,” ay naghain ng ikalawang motion for reconsideration noong Disyembre 12, 2024.
Layon ng mosyon na baliktarin ang desisyon ng korte sa resolusyong nagre-reject ng kanyang “Very Respectful Urgent Motion to Lift Bench Warrant and/or Post Bail” na inihain noong Nobyembre 25, 2024.
Sa kabila nito, sa December 19, 2024 resolution, idineklara ng Sandiganbayan Second Division ang kanyang mosyon na “bereft of merit” matapos ang pagsusuri ng mga argumento na ipinresenta ng kapwa akusado at prosekusyon.
“While the right to bail is constitutionally guaranteed under Article III, Section 13 of the Constitution, it is not absolute,” sinabi ng korte.
Ipinunto nito ang paulit-ulit na aksyon ni Maslog ng evasion, katulad ng jumping bail, paggamit ng multiple aliases, at paglipad palabas ng bansa, na isang “grave violation of her legal obligations.”
Inalala rin ng korte nang payagang makapagpiyansa si Maslog noong 2017 ngunit bigong humarap sa subsequent hearings, at inabandona ang kanyang commitment na harapin ang mga reklamo.
Ang paggamit niya ng pekeng identity, kabilang ang “Dra. Jesica Sese Francisco,” ay patunay rin umano ng malinaw niyang pagnanais na takasan ang obligasyon.
“Despite overwhelming evidence, such as the fingerprint analysis conducted by the National Bureau of Investigation (NBI), she persisted in claiming a false identity, showcasing her deliberate efforts to mislead authorities,” saad sa resolusyon.
Si Maslog ay inaresto ng mga tauhan ng NBI noong Setyembre 25, 2024 matapos ang reklamong inihain laban sa isang “Jessica Francisco.”
Nakita sa imbestigasyon na si Maslog at Francisco ay iisa lamang sa pamamagitan ng fingerprint matching.
“Taken together, the totality of her actions—her history of absconding, failure to voluntarily appear before the Court, and use of spurious identities—proves a high probability of flight. Her past conduct makes any assurance of her compliance with bail conditions wholly unreliable,” giit ng korte.
Si Maslog na isang publishing company agent, ay inireklamo kasama ang dalawang opisyal ng Department of Education, Culture, and Sports (ngayon ay Department of Education) dahil sa graft sa 1998 textbook procurement scam.
Tinukoy ng Office of the Ombudsman ang dalawang opisyal ng DECS na nag-apruba at nagproseso ng mga dokumento para sa P24 milyong supply contract na nagpapabor sa Esteem Enterprises, ang kompanyang inirerepresenta ni Maslog.
Noong 2020, ang dalawang dating opisyal ng DECS ay naconvict at nasentensyahan ng hanggang 10 taong pagkabilanggo.
Ang kaso laban kay Maslog ay naibasura noong 2019 matapos itong iulat na patay na siya. RNT/JGC