Home OPINION BAKIT HINDI MATANGGAP ANG KATOTOHANAN?

BAKIT HINDI MATANGGAP ANG KATOTOHANAN?

TILA sobrang obsessed naman nitong House Quad Committee na pagbayarin ang dating administrasyon sa mga nangyaring extra judicial killings sa ilalim ng “war on drugs”.

Hindi matanggap nitong QuadComm ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na dumami ang krimen matapos ang kanyang panunungkulan.

Kinontra ito ng bright guys ng Kongreso na sina committee chairman Rep. Robert Ace Barbers, Surigao at co-chairman Rep. Dan Fernandez, ng Laguna, na nagsabing napakarami ng krimen noong ipinatupad ang war on drugs campaign at extrajudicial killings.

Maging ang Department of Justice ay nagsabi na mas mataas ang crime rate noong panahon ni Duterte kaysa sa kasalukuyang panahon. Ang pahayag siyempre ng DOJ ay papanigan ng kasalukuyang administrasyon ng Philippine National Police. Eh bakit nga hindi, kung kumontra ba sila, hindi sila mananagot sa Department of Interior and Local Government? He! He! He!

Pero kapag tinanong ang karamihan sa mga tao o mamamayan, tiyak na sa kanila makukuha ang katotohanan. Sa madaling salita, hindi ang mga ito ang source ng “fake news” dahil ang mga ito ang magsasabi ng kanilang karanasan.

Noong panahon ni Duterte, ang mga pulis ay takot na gumawa ng kalokohan lalo na kung tungkol sa droga dahil alam nilang may kalalagyan sila.

Gayundin ang mga politiko. Hindi makagawa ng kalokohan at hindi makapangahas na ipangalandakan ang kanilang tikas dahil alam nilang hindi sila uurungan ni Rody Duterte.

Lahat ay takot dahil walang sinasanto ang noo’y nakaupong pinuno ng bansa kaya nga marami ang tumino na ang linya ng trabaho ay iligal.

Pero nang matapos ang termino ni Digong Duterte, balik na naman sa kani-kanilang iligal na gawain ang ilang kriminal kasama na ang mga mambabatas na balik muli sa pagpapakalat ng droga.

Ang pilit na pinatahimik na mga pamayanan noong panahon ng dating administrasyon ay unti-unti na namang nagiging magulo at hindi maayos dahil sa pagbabalik ng droga sa ilang mga lugar. Karamihang mga barangay noon at idineklarang drug-cleared ngayon ay hindi na masabi ang estado nito.

Kasi nga, bumalik na naman ang hayagang bentahan ng droga sa ilang mga pamayanan.

Ang droga, bumalik at idinugtong ang kasabihang “back with vengeance.”

Pahabol : HAPPY BIRTHDAY sa ating kaibigang si PCOL VILLAMOR TULIAO, director ng Eastern Police District, na nagdiriwang ngayong araw.