Home OPINION BAKIT TINANGGAL NG PUREGOLD ANG FOOD DELIVERY?

BAKIT TINANGGAL NG PUREGOLD ANG FOOD DELIVERY?

GINAWA na ng maritime forces ng China na labanan ng paninindigan ng soberanya ang West Philippine Sea; itinataboy ang mga Pilipinong mangingisda sa karagatang apat na beses na mas malapit sa Pilipinas kaysa mainland China. Ginigipit ang ating mga coast guard, pahirapang mahatiran ng supplies ang ating mga sundalong nasa malalayong shoals, at hinaharang maging ang paghahatid natin ng pagkain sa kanilang outposts — lahat ay parte nang pag-aangking pilit ng Beijing sa mga teritoryong hindi naman sa kanila.

Ito ang mga tinutukan ng dokumentaryong Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea, na nakatakdang ipalabas sa CinePanalo Film Festival — hanggang sa bigla na lang itong tanggalin ng film fest. Walang aktuwal na paliwanag ang organizers, pero may “external factors” na binanggit. Ngunit malinaw ang totoong kwento.

Tunay na ang Puregold — na naglunsad ng film festival — ay nakilala at lumago sa ipinagmamalaki nitong abot-kayang presyuhan, pero sa ginawang ito ng kompanya, napatunayang sadyang may kapalit ang ilang bagay. Sa pagtanggal sa Food Delivery mula sa kanilang film fest, kumbinyenteng umiwas sa kontrobersya ang Puregold, kapalit ng katotohanan. Hindi ito simpleng pag-iingat lang ng kompanya; nanaig ang interes ng negosyo kaysa aspeto ng sining at integridad ng lipunan.

May dahilan ang kompanya, na nakinabang sa nakaraang administrasyon at sa malapit na ugnayan nito sa China, para iwasang makasamaan ng loob ang mga sumusuporta rito. Ang pagpapalabas sa Food Delivery ay maaaring magresulta hindi lang sa pagkawala ng karisma nito sa publiko — iniisip marahil ng kompanya na tuluyang mawawala ang kanilang negosyo.

Pero sa pagtatangka nilang iiwas sa kontrobersiya ang pelikula, lalo lang pinatindi ng Puregold ang curiosity ng publiko. Ngayon, mas marami na ang interesado at atat na mapanood ito. Hindi ba nila alam na ugali ng mga Pilipino ang lalong gustuhing makamtan ang isang bagay na ipinagkakait sa kanila — sa kasong ito, ang mismong kwento na nakapaloob sa Food Delivery.

Para sa ating mga Katoliko

Para sa isang bansang ipinagmamalaki ang pagkakaroon ng pinakamarubdob na pananampalataya kay Kristo sa buong Asya, nakapagtataka kung bakit maraming Pilipino ang mistulang wala sa hulog ang moralidad at nagagawa pang bigyang-katwiran ang mga patayan noong panahon ni Duterte.

Sa kolum na ito, gusto kong bigyang-diin ang panawagan ni Father Flavie Villanueva noong nakaraang weekend na ibalik ng bawat isa ang pananampalatayang may konsensya. Sinasabing tayo ang relihiyon kung saan nananaig ang konsensya, pero hindi mababanaag iyon sa pagsuporta at pagpuri ng ilan sa giyera kontra droga ni Duterte gayung libu-libong bangkay ng mga pinaslang ang naghambalang sa lansangan noon.

Paanong nagagawa natin, bilang isang Katolikong bansa, na kunsintihin ang pagdanak ng dugo gayung malinaw naman sa Sampung Utos ng Diyos ang tungkol dito?

Ang pag-aresto kay Duterte ay hindi lang usapin ng pananagutan — sinasalamin nito ang pananampalatayang aktuwal na pinaiiral ng mga Pilipino kumpara sa pananampalatayang sinasabi nila. Ang isang relihiyon na pumapanig sa karahasan ay hindi pananampalataya, kundi malamyang palusot sa kaduwagan ng sariling moralidad.

At magpakatotoo tayo, karamihan sa nagbibigay-katwiran sa extrajudicial killings ay sila-sila rin na mga nagrorosaryo tuwing Kuwaresma. Luluhod sila, mananalangin, at sasagot ng “Thy will be done,” pero nang mangyari ang mga patayan, kaninong “will” ba ang kanilang pinapanigan?

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).