
NILAGDAAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 12063 o ang EBET Framework Act, isang bagong batas na nilalayong pahusayin ang kasanayan at kakayahang magtrabaho, at tugunan ang kakulangan sa pagitan ng edukasyon at industriya.
Ang IRR na nilagdaan nina Secretary Bienvenido E. Laguesma at Director General Jose Francisco “Kiko” B. Benitez, ay magsisilbing polisiya para palakasin ang pakikipagtulungan sa pagitan ng TESDA, negosyo, at TVET institution upang matiyak na ang mga manggagawa sa bansa ay may mga kasanayang naaayon sa kinakailangan ng industriya.
Pinuri ni Kalihim Laguesma ang TESDA, sa pamumuno ni Kalihim Benitez at ng lupon nito, para sa napapanahong paggawa at pagpapalabas ng IRR, at ang parehong Kapulungan ng Kongreso sa pagsuporta sa inisyatiba para sa manggagawang Pilipino.
“Binibigyang-diin ng maagap na pagpapalabas ng IRR ang pangako ng sangay ng Ehekutibo na makipagtulungan sa Lehislatura sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng batas na bigyan ang mga manggagawang Pilipino ng pagkakataon na magkaroon ng mga bagong kasanayan at kakayahan upang matugunan ang mga hinihingi ng merkado ng paggawa para sa isang mahusay at may kakayahang lakas-paggawa,” pahayag niya.
Ipinahayag ni Director General Benitez na ang EBET Framework Act “ay isang mahalagang batas na nagpapahintulot sa atin na makasabay sa nagbabagong merkado ng paggawa rito sa atin at sa ibang bansa.” “Ang IRR na ito, na binuo ng TESDA at ng mga stakeholder sa isang makatwirang proseso, ay nag-uukit ng landas para sa manggagawang Pilipino na mag-upskill at mag-reskill tungo sa matagumpay na karera.”
Ang EBET Framework Act, na nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Nobyembre 2024, ay dinisenyo upang palawakin ang enterprise-based training, hikayatin ang partisipasyon ng industriya sa curriculum development at theoretical instruction, at paghusayin ang on-the-job training o apprenticeship program.
Ito ay alinsunod sa layunin ng pamahalaan sa paglikha ng trabaho na nakabatay sa Philippine Development Plan at Philippine Labor and Employment Plan 2023-2028.
May mahalagang papel ang DOLE sa pagtiyak na ang mga patakaran sa pagpapaunlad ng mga manggagawa, tulad ng EBET Framework, ay direktang nakatutulong sa paglikha ng trabaho at katatagan ng ekonomiya.
Sa nilagdaang IRR, makikipagtulungan ang Kagawaran sa TESDA at industry partner para isama ang enterprise-based training sa national employment strategy upang higit na mapalakas ang mga pagsasanay tungo sa maayos at matatag na trabaho at kabuhayan.
Nagpahayag din ng suporta ang mga industriya para sa inisyatiba.
Bukod sa pagiging karapat- dapat para sa tax incentive, bubuti rin ang katayuan ng mga negosyong kasapi sa EBET sa pamamagitan ng pag-empleyo ng manggagawang may tamang kasanayan.
Sinabi ni Rafael Cabrera, HR Manager ng Maclin Electronics, Inc., na pinapalakas ng enterprise-based training ang mga manggagawang Pilipino, na sa huli ay makatutulong sa mga negosyo.
“Malaki ‘yung difference nung enterprise-based graduates compared sa vocational-based graduates. Kasi ‘yung graduates’ ng EBET ay naka-tailor fit sa kung anomang needs ng company namin,” wika niya.