Home METRO Baklas Tarpaulin Gang umatake sa Maynila

Baklas Tarpaulin Gang umatake sa Maynila

“DIRTY tactics!”

Ito ang sigaw ng mga taga-suporta ng dating alkalde ng lungsod ng Maynila at nagbabalik muli na si Isko Moreno Domagoso kasabay ng viral videos sa social media hinggil sa malawakang “Baklas Tarpaulin Gang” kung saan nakuhanan ng mga CCTV na tinatanggal ng mga ito ang mga tarpaulin na sumusuporta sa dating alkalde.

Dahil sa nasabing insidente, nagdulot ng matinding galit ang mga netizens sa mga nasa likod ng nasabing ‘dirty tactics’.

Batay sa kuha ng CCTV, pawang mga nakasuot ng maskara ang mga lalaking nakamotorsiklo at umiikot sa kalaliman ng gabi upang baklasin ang mga tarpaulin ni Domagoso.

Ilang mga netizens ang nagpahayag ng kanilang saloobin at komento sa social media at sinabi na dapat nating panatilihing patas ang laban.

Ayon pa sa mga netizens, kahit baklasin nila ang bawat tarpulin, alam ng mga tao sa puso’t isipan nila kung sino ang kanilang iboboto.

Anila, hindi umano nagkataon lamang ang mga nasabing insidente dahil nagsimula lamang ang mainit na politika sa Maynila makaraang ipahayag ni Moreno ang kanyang hangarin na bumalik bilang alkalde.

Ayon pa sa mga netizen, malaki umano ang kinalaman sa pagtatanggal ng mga tarpaulin ang mga kaalyado ng isa sa kalabang kandidato na kilala sa alyas Onat, Boroboy, at Gerome na kilala umanong kritiko ni Moreno.

Ngayon, umiikot ang espekulasyon na sila o may kinalaman sila sa mga lalaking nakamaskara na nakunan ng CCTV.

Ang insidenteng ito ay isa lamang sa isang serye ng mga ulat na lumabas online, na nagpapakita ng parehong mga nakamaskarang indibidwal na nagbabaklas ng mga tarpaulin ni Moreno sa buong lungsod.

Lumalakas ang pag-aalala sa mga Manileño, kung saan marami ang kumukuwestiyon sa kanilang kaligtasan at kung magiging patas ang mayoralty race sa Maynila.

Sinasabi ng mga tagasuporta ni Moreno na ang kanyang mga banner ay misteryosong naglaho sa buong Maynila, na nagpapasiklab sa mga hinala na maaaring magkaribal sa pulitika ang nasa likod ng mga gawaing ito ng pananakot.

Bagama’t wala pang konkretong ebidensiya ang naipakita, ang mga tagasuporta ni Moreno ay nananawagan ng imbestigasyon sa kung ano ang kanilang nakikita bilang politically motivated harassment.

“You may take down the tarpaulins, but Yorme Isko will have our vote this May,” sabi ng isang residente na nagpahayag ng kanyang sentimyento na tila lalo pang tumitindi sa kanyang mga tagasuporta.

Hindi pa natukoy ng mga awtoridad kung sino ang mga nakamaskara ngunit dahil sa viral video, lahat ng mata ay nakatuon sa Manila City Hall. RNT