Home NATIONWIDE ‘Baligtarang daan’ sa EDSA busway target ng DOTr

‘Baligtarang daan’ sa EDSA busway target ng DOTr

(c) Danny Querubin/Remate News Central

MANILA, Philippines – Isinasaalang-alang ng Department of Transportation (DOTr) na baligtarin ang direksyon ng EDSA bus carousel para gawing mas eksklusibo ang busway sa mga pampublikong bus lamang.

Sa ulat, ang plano ay mangangahulugan na ang mga northbound bus ay ililipat patungo sa southbound lane sa halip na dumaan sa EDSA kasama ang iba pang mga sasakyan patungo sa hilaga.

Sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na magiging eksklusibo lamang ang busway sa mga bus para sa public utility vehicles.

Aniya ang pintuan ng bus ay nasa kanang bahagi kaya mayroon pa ring safety considerations.

Sinabi ng DOTr na tinatalakay na ang mga plano kasama ang mga bus companies na gumagamit ng busway.Maisadapinal ang desisyon bago matapos ang taon.

Ang panukalang ito ay isa lamang sa mga planong pinag-iisipan ng DOTr kasunod ng mga insidente ng ilegal na paggamit ng mga pribadong sasakyan sa busway para makaiwas sa traffic sa kahabaan ng EDSA.

Kasama sa isa pang planong isasaalang-alang ang pagbabawas ng mga protocol plate na ibinibigay sa mga opisyal ng gobyerno.

Sa mga pampublikong opisyal, tanging ang Presidente, Bise Presidente, Senate President, House Speaker, at Supreme Court Chief Justice lamang ang pinapayagang gumamit ng busway.

Nauna nang na-flag ang isang Sport Utility Vehicle na may pekeng “7” protocol plate, na ibinibigay lamang sa mga senador dahil sa ilegal na pagdaan sa northbound lane ng busway.

Napaulat na nakarehistro ang SUV sa ilalim ng Orient Pacific Corporation, isang firm na pag-aari ni Kenneth Tan Gatchalian, na kapatid ni Senator Sherwin Gatchalian.

Tumangging magkomento ang senador kung pagmamay-ari ng kanyang kapatid ang nasabing sasakyan.

Aniya nasa LTO na ang mga dokumento.

Sinabi ng DOTr na magsasagawa pa ito ng karagdagang imbestigasyon sa kaso para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)