Home HOME BANNER STORY Balik eskwela maayos sa mahigpit na pagbabantay, pagsubaybay ng gobyerno

Balik eskwela maayos sa mahigpit na pagbabantay, pagsubaybay ng gobyerno

Sa pagsikat ng araw at pagtunog ng mga kampana ng paaralan, nagsimula ang unang araw ng paaralan sa Gen.T De Leon Elementary School sa Valenzuela City na may halo-halong emosyon.Habang ang ilan ay umiiyak at nakakapit sa kanilang mga magulang, ang iba naman ay sabik na nagsisiksikan sa pasukan, sabik na simulan ang kanilang bagong akademikong paglalakbay. Val Leonardo

MANILA, Philippines – NAGING maayos ang unang araw ng klase sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay at pagsubaybay ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

Mahigit sa 27 milyong mag-aaral ang inaasahang magbabalik sa 48,000 pampublikong paaralan at 12,000 pribadong eskuwelahan sa bansa.

“So far, okay naman ang reports, more or less smooth. May mga minor repair lang sa ibang schools na kailangan,” ang sinabi ni Education Secretary Sonny Angara matapos bisitahin ang pagbubukas ng School Year 2025-2026, araw ng Lunes.

Aniya, ang pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan ay ‘in full swing’ para tugunan ang mga pangangailangan at kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“Lahat ng ahensya this week, nakabantay sa ating mga paaralan, sa ating mga estudyante… Iyong buong makinarya ng gobyerno ayon sa Pangulo ay nakatutok dito sa pasukan,” aniya pa rin.

Samantala, pinuri naman ni Angara ang pagsisikap ng mga mahahalagang tanggapan, kabilang na ang Departments of the Interior and Local Government, Health, Information and Communication Technology, Energy, Trade and Industry (DTI), Social Welfare and Development, Public Works and Highway, National Disaster Risk and Reduction Management Council, PAGASA, Meralco, Metropolitan Waterworks and Sewerage System, at Philippine National Police (PNP).

Inilunsad ng DTI ang Balik-Eskwela Diskwento (Back to School Discount) nito sa Caravan sa Ermita, Manila para bigyan ang mga estudyante, magulang at guro ng school supplies sa mas mababang halaga. Kris Jose