MANILA, Philippines – APAT na bala ang tumapos sa buhay ng isang lalaking balut vendor makaraan itong pagbabarilin nang isang gunman, kahapon, Marso 7 sa Sitio Area 1, Barangay Pagsangahan, San Francisco, Quezon.
Kinilala ng San Francisco Police Station ang biktimang nasawi na nagtamo ng apat na tama ng bala sa bahagi ng katawan mula sa kalibre 45 na si Marlon Reana De Chavez, 49, Balut vendor at barbershop owner, naninirahan sa Sitio Pugo, Barangay Cawayan 1, ng nabanggit na lugar.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen, dakong alas-3:25 ng hapon habang ang biktima na abala sa pag-aayos ng paninda nitong balut nang biglang dumating ang suspek kung saan tinanong pa umano ng salarin na: “Ikaw ba si Marlon De Chavez?”
Matapos nito ay bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima ng apat na beses na agad nitong ikinasawi.
Nabatid sa ulat na ang motibo sa pagpaslang sa biktima ay hinihinalang personal na alitan, samantalang ang suspek ay patuloy na tinutugis ng mga awtoridad na mabilis na tumakas lulan ng motorsiklo. Ellen Apostol