MANILA, Philippines – KAAWA-AWA ang sinapit ng 3-anyos na batang babae matapos gahasain saka pinatay sa sakal ng sariling kuya na lulong sa iligal na droga, nitong Huwebes, Marso 6 sa bayan ng Jose Abad Santos.
Walang saplot sa katawan nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa kanilang kubo na imbakan ng kopra habang nahuli naman ang suspek sa loob ng kanilang bahay Sitio Narra, Barangay Nuing, Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Kasalukuyan naman nasa kustodiya ng Jose Abad Santos Municipal Police Station ang 17-anyos na suspek at kuya ng biktima.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, napansin ng kanilang kapitbahay ang suspek na umuwi itong lango sa alak bitbit ang biktima.
Makalipas ang ilang oras ay may narinig silang umiiyak na bata subalit binalewala nila ito hanggang sa natagpuan na lamang ang bangkay ng bata na hubo’t hubad, may mga sugat at pasa sa iba’t ibang parte ng katawan.
Agad naman humingi ng tulong sa mga awtoridad ang kapitbahay ng magkapatid at tinungo ang bahay ng mga ito kung saan naabutan pa ng pulisya ang suspek na nakahubad at mahimbing na natutulog dahil sa kalasingan.
Sa himpilan ng pulisya, inamin ng suspek ang ginagawa nito sa kanyang kapatid maging ang paggamit ng iligal na droga.
Inihanda na ang mga kasong isasampa laban sa suspek. Mary Anne Sapico