Home NATIONWIDE 2 sugatan sa sunog sa residential area sa Sta. Cruz, Maynila

2 sugatan sa sunog sa residential area sa Sta. Cruz, Maynila

MANILA, Philippines – Sugatan ang dalawang indibidwal sa sunog na naganap sa isang residential area sa Sta. Cruz, Maynila, Sabado ng umaga, Marso 8.

Kabilang sa sugatan ang isang fire volunteer at residente na parehong nagtamo ng sugat sa kamay ayon sa ulat.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na nakaapekto sa siyam na bahay sa Milagros street sa Barangay 137.

Nagsimula ang sunog alas-2 ng madaling araw at idineklarang fire out 4:53 ng umaga, ayon sa Bureau of Fire Protection.

Kabuuang 24 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog.

Sinabi ng BFP na nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang sunog dahil sa masikip na kalsada, mga kable na nakabalagbag at mga bahay na magkakadikit.

Wala namang iniulat na nasawi sa sunog habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Samantala, inaalam pa ang kabuuang pinsala sa sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden