Nakipagkita si Senador Bam Aquino sa cast, crew at pamilya ni Edgar "EdJop" Jopson sa isinagawang screening ng pelikulang EDJOP sa Podium Cinema 3 sa Mandaluyong City.Kasama rin sa larawan (mula kaliwa) ang pamangkin at anak ni EdJop na sina Redg Plopinio at Joyette Jopson, aktres na si Jodi Sta. Maria, film director na si Katski Flores, at aktor na si Elijah Canlas.
MANILA, Philippines – Nakibahagi si Senador Bam Aquino noong Biyernes sa pamilya ng kilalang student activist at bayani ng Martial Law na si Edgar “Edjop” Jopson sa paggunita sa kanyang buhay at pamana sa pamamagitan ng pelikulang “EDJOP.”
Dumalo si Aquino sa screening ng pelikula sa isang sinehan sa Mandaluyong, kasama si Joyette, anak ni Edjop, at si Redg Plopinio, pamangkin niya, gayundin ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang organisasyon ng kabataan.
Ang pelikula na pinagbibidahan ni Elijah Canlas bilang Edjop, ni Jodi Sta. Maria bilang Joyette, at ni Frankie Pangilinan bilang asawa ni Edjop na si Joy, ay nakatuon sa paglalakbay ni Jopson mula sa pagiging student leader at aktibista hanggang sa pagiging rebolusyonaryo noong panahon ng Martial Law.
Sa maikling mensahe bago ang screening, binalikan ni Aquino, na nagsilbing student council president ng Ateneo de Manila University, kung paano naging mahalagang tao si Edjop sa hanay ng mga student leader noong dekada ’90.
Nakaimpluwensiya rin si Edjop kanilang pag-unawa sa pamumuno at paglilingkod-bayan ang mga kuwento tungkol sa kanyang buhay at papel sa student movement.
“Marami ang nagsakripisyo ng kanilang buhay at kinabukasan para sa bayan tulad ni Edjop. Puwede niyang piliing mamuhay nang tahimik ngunit ginusto niyang tahakin ang mas mahirap na landas – ang panindigan ang kanyang prinsipyo at labanan ang diktadura,” wika ni Aquino.
Sinabi niya na ang pelikula, na tinawag niyang isang “love letter to the student movement,” ay pagkakataon upang maipakilala ang kuwento ni Edjop sa mas maraming Pilipino, lalo na sa mga kabataan.
Hinimok din niya ang mga non-government organization (NGO) at iba pang grupo na tumulong sa pagsusulong ng pelikula. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagsuporta sa pelikulang Pilipino na nagbabahagi ng mahahalagang kuwento sa sambayanang Pilipino.
“Kailangang ipagpatuloy nating ikuwento ang istorya ng ating mga martir at mga bayani. Kumuha tayo ng lakas sa kanilang determinasyon at katatagan ng loob habang hinaharap natin ang sarili nating mga hamon,” ani Aquino, na sumama rin sa mga rally laban sa Martial Law noong walong taong gulang pa lamang siya.
Isang kilalang student leader bago ang Martial Law, si Edjop ay valedictorian ng Ateneo High School at naging pangulo ng National Union of Students of the Philippines. Nakilala siya sa buong bansa matapos harapin si Pangulong Ferdinand Marcos noong 1970 at igiit na huwag itong tumakbo para sa ikatlong termino.
Sumapi si Jopson sa underground movement at inaresto at pinahirapan noong 1979. Isinulat niya ang kanyang mga karanasan sa isang “Open Letter to the Filipino People,” na naging mahalagang dokumento sa kampanya para sa karapatang pantao noong panahon ng Marcos.
Noong 1982, nadakip si Jopson sa isang pag-atake ng militar sa Davao City. Binaril siya habang nagtatangkang tumakas at namatay kinabukasan, isang dekada matapos ideklara ang Martial Law.
Sa isang Facebook post, nagpasalamat si Redg Plopinio, pamangkin ni EdJop, kay Aquino sa kanyang suporta. “Sen. Bam Aquino, Maraming salamat sa suporta at sa pag-sponsor ng block screening, at higit sa lahat, sa paglalaan ng oras para mapanood ang EDJOP sa gitna ng iyong busy schedule at mga Senate hearings.”
“Hatid namin ang pelikulang ito bilang paggunita kay Edjop at sa mga taong nagpasyang lumaban at ialay ang kanilang buhay noong panahon ng Martial Law. Para rin ito sa mga naiwan—at sa isang bansang unti-unting nakakalimot. Ang pag-alala ay ating pakikibaka. #NeverForget,” dagdag ni Plopinio.
“Thank you Senator Bam Aquino for supporting EDJOP,” wika naman ni Sta. Maria sa kanyang Facebook post.
Ang pelikula ay ginawa ng Open Water Productions at The Mad Goats Inc., katuwang ang Narra Post-Production Studios by Wildsound. Tumayo si Katski Flores bilang writer, producer, at director habang producer naman si Joyette Jopson. Ernie Reyes