MANILA, Philippines – Iniutos ng Philippine National Police (PNP) ang isang impartial investigation kaugnay ng viral na banggaan sa EDSA Busway na kinasasangkutan ng police-marked vehicle at isang public utility bus, habang iniimbestigahan din ang posibleng paglabag sa standard operating procedures at pananagutan ng mga pulis na sangkot.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., beripikado na nila ang operational documents para matukoy kung ang sasakyan ay nasa tamang official duty nang mangyari ang insidente.
“If this was not an emergency or a legitimate operation, then it’s a clear violation of our deployment protocol. Walang special lane para sa mga pulis na walang official business. We will hold the driver and the supervisor accountable,” aniya.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagbanggaan ang PNP-marked lightbus na bahagi ng Libreng Sakay program at isang civilian passenger bus sa EDSA northbound malapit sa Main Avenue, Barangay Socorro sa Cubao, Quezon City noong Abril 17.
May passenger ng civilian bus na nag-post ng video matapos ang insidente, kung saan may ilang narinig na nagsasabing biglang nag-swerve ang PNP vehicle. May nakita ring pulis na pinapakita ang ID ng bus driver.
Bagamat minor property damage lamang ang naitala at walang nasugatan, iniutos ni Nartatez ang administrative review para matukoy kung nasunod ang tamang protocol at kung may lapses sa command supervision at disiplina ng unit na sangkot. RNT/MND