BAGUIO CITY, Philippines — Halos naliligo na ng sariling dugo ang isang 56-anyos na bank department manager na natagpuang patay at may tama ng bala sa ulo sa loob ng isang sasakyan sa Kennon Road, sa pagitan ng Barangay Camp 3 at Twinpeaks sa Tuba, Benguet.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si alyas Artemio, residente ng Baguio City ay natagpuan sa loob ng isang nakaparadang sasakyan ng isang residente noong Setyembre 29 at inireport sa mga opisyal ng Barangay Twinpeaks.
Kung saan ay ipinaalam naman ito sa Barangay Camp 3 na agad na nag-alerto sa mga awtoridad.
Rumesponde sa lugar ang mga pulis, crime scene investigator at barangay health worker.
Nakita ang biktima na nakaupo sa front passenger seat at nagtamo ng tama ng bala sa ulo.
Nakarekober ang mga imbestigador ang isang caliber .22 revolver sa lugar.
Idineklarang patay ang biktima dahil sa traumatic brain injury na dulot ng tama ng bala sa ulo.
Ayon sa asawa ng biktima, umalis ang nasabing bank manager nang mag-isa sa kanilang bahay dakong alas-7 ng gabi noong Setyembre 28 at sinabing tutungo sa Maynila upang tumanggap ng parangal na nakatakda alas-3 ng hapon kinabukasan.
Nang hindi na siya makontak ng kanyang mga kasamahan at nalaman nilang hindi siya nakarating sa Maynila, ipinaalam nila ito sa kanyang asawa na agad namang nag-report sa Baguio City Police Office Station 6.
Hanggang sa ngayon ay patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang mga CCTV footages sa dinaanang ruta ng biktima. REY VELASCO