MANILA, Philippines – Mariing binigyang-diin ni House Committee on Justice Chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro na hindi maaaring magtago ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa likod ng bank secrecy law para harangin ang pagsusuri sa kanilang mga kahina-hinalang financial records.
Ayon kay Luistro mas matimbang ang utos ng Konstitusyon para sa public accountability.
“Hindi nilikha ang bank secrecy para maging taguan ng hindi maipaliwanag na yaman. Ang layunin ng bank secrecy ay protektahan ang lehitimong deposito, hindi pagtakpan ang kahina-hinalang galaw ng bilyon-bilyong piso,”ani Luistro.
Iginiit ni Luistro na malinaw ang papel ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa ilalim ng batas at hindi dapat baluktutin dahil lamang “politically inconvenient” ang mga rekord na lumalabas ngayon sa imbestigasyon.
“Ang papel ng AMLC ay siyasatin ang mga kahina-hinalang transaksyon at iulat ang mga ito sa kinauukulan, dahil ang pagpapalabas ng katotohanan ay hindi paglabag, kundi pagsunod lamang sa mas mataas na prinsipyo ng pananagutan,” giit nito.
Para kay Luistro, ang matinding pagtutol ng kampo ni Duterte ay nagpapakita lamang na hindi na ito usapin ng proseso kundi pagsisikap na pigilan ang paglabas ng mga mapanirang impormasyon sa publiko.
“If there is nothing to hide, there is no reason to hide, no reason to obstruct,” ani Luistro. “The only people who fear the disclosure of these transactions are those with dirty secrets.”
Binigyang-diin din niya na transparency ang tanging tamang sagot ng mga taong may integridad, sa halip na harangin ang katotohanan. “Transparency is the only response of those with integrity; everything else is just an excuse,” dagdag nito.
Ipinaalala rin ni Luistro na nabigo ang kampo ni Duterte na makakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Korte Suprema upang pigilan ang kapangyarihan ng komite na mag-isyu ng subpoena. Gail Mendoza