Home NATIONWIDE Viral video ng pagbabanta ni VP Sara, tunay, ‘di AI – NBI

Viral video ng pagbabanta ni VP Sara, tunay, ‘di AI – NBI

107
0

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na authentic at walang anumang indikasyon ng manipulasyon ang kumalat na video ni Vice President Sara Duterte kung saan binanggit nito ang planong pagpapapatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa pagharap ni NBI Agent John Mark Calilung sa impeachment proceeding sa House Committee on Justice, sinabi nito na ang video na may petsang Nobyembre 23, 2024, ay dumaan sa masusing pagsusuri sa ilalim ng Affidavit of Authentication of Digital Evidence ng NBI.

Muling ipinalabas sa impeachment hearing ang video kung saan maririnig ang Bise Presidente na nagsabi ng: “Put* ina ninyong lahat, Martin Romualdez, Liza Marcos, Bongbong Marcos. Huwag kang mag-alala, Ma’am, sa security ko, kasi may kinausap na ako na tao. Sabi ko sa kanya, kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez. No joke, no joke. Nagbilin na ako, Ma’am. ’Pag mamatay ako, sabi ko, huwag ka tumigil hanggang hindi mo mapatay sila.”

Sa pagtatanong ni San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora, vice chair ng komite, nilinaw ni Calilung na hindi edited, spliced, o gawa ng Artificial Intelligence (AI) ang naturang footage.

“Ang authentication po ay pagtiyak na ang video ay pareho at tunay na recording ng nangyari. Ini-ensure po namin na hindi ito edited, spliced, o AI-generated, Your Honor,” paliwanag ni Calilung sa komite.

Ipinaliwanag din ng NBI agent na gumamit sila ng hash value computation o digital fingerprint upang matiyak na hindi nabago ang file.

“Ang hash value calculation po ay parang fingerprint ng digital file. Kung ma-edit ang video, magbabago ang hash value,” dagdag pa nito.

Kinumpirma rin ng NBI na ang kopya ng video na nasa kamay ng komite ay bahagi ng opisyal na rekord at authenticated copy mula sa kanila.

Ang pagpapatotoong ito ng NBI ay itinuturing na “key development” sa impeachment case dahil tinatapos nito ang anumang pagdududa kung tunay ba o hindi ang ebidensyang ginamit ng mga complainant laban kay Duterte. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here