MANILA, Philippines – Nanawagan si House Assistant Minority Leader at Eastern Samar Representative Christopher Sheen Gonzales ng congressional inquiry ng ilang komite kaugnay sa epekto ng nickel at chromite mining operations sa Homonhon Island, kasabay ng pagpuna sa matinding pinsala sa kalikasan at social displacement sa lugar.
Sa ilalim ng House Resolution 234, nanawagan si Gonzales sa House Committees on Natural Resources, Ecology, and Local Government na magsagawa ng imbestigasyon at tinukoy ang agarang pangangailangan na masiguro ang responsableng pangangasiwa sa kalikasan.
“Homonhon is not only rich in natural resources but also steeped in history as the first landing site of Ferdinand Magellan in 1521. Decades of unchecked mining threaten to erase both its heritage and its future,” anang mambabatas.
Ayon kay Gonzales, dapat na tutukan ng imbestigasyon ang pagtaya sa pinsala sa kalikasan, ang epekto ng pagmimina sa kalusugan at kabuhayan ng mga komunidad, at pagtugon sa environmental at mining laws, revenue sharing, at iba pa.
Sa kanyang resolusyon, tinukoy ni Gonzales ang mga ulat ng deforestation, soil erosion, water pollution, banta sa biodiversity, at health issues sa mga residente. Dagdag din ang pagkawala ng kabuhayan partikular sa pagsasaka at pangingisda, kakulangan ng serbisyo at mga bigong pangako ng development projects.
Idinagdag din niya ang mga pangamba sa alegasyon na lumalampas ang mining firms sa kanilang concession areas, may mga dayuhang sangkot sa illegal na operasyon, at ang mga kompanya na dating naparusahan ay nagbalik sa kanilang mga aktibidad.
“The voices of Homonhon residents, environmental advocates, and church leaders must be heard. Congress has a duty to ensure that mining operations are lawful, sustainable, and beneficial to the people—not destructive,” ani Gonzales.
Ang resolusyon ni Gonzales ay kasunod ng pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maisabatas ang Enhanced Fiscal Regime for Large-Scale Metallic Mining Act, na naglalayong gawing simple at i-rationalize ang fiscal regime sa pag-aalis ng tax distinctions batay sa mining agreements. RNT/JGC