MANILA, Philippines – NAGPULONG ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Linggo ng umaga, Nobyembre 3 para tiyakin na nasa ayos ang local at regional preparedness at response operations para sa potensiyal na epekto ng pinakabagong weather disturbance sa bansa.
Isa kasing low-pressure area sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang na-develop sa tropical depression.
Ito’y huling namataan sa 1,350 kilometers ng silangan ng Eastern Visayas. Sa oras na nasa loob na ng PAR, papangalanan itong Marce.
Si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro, Jr., na nagsilbi rin bilang chair ng NDRRMC, pinangunahan ang pulong kasama ang mahahalagang opisyal mula sa Office of Civil Defense (OCD), kabilang na sina Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV at Assistant Secretary Jekereen Joy Casipit.
Ang DND, OCD at iba pang member-agencies ng NDRRMC ay mahigpit na nakamonitor sa situwasyon at ipinatutupad ang lahat ng kinakailangang paghahanda para bawasan ang panganib at tiyaking ligtas ang komunidad sa inaasahang masungit na panahon.
“The NDRRMC urges all citizens to stay informed and heed official advisories as the situation develops. The council remains committed to safeguarding lives and properties across the nation,” ang nakasaad sa kalatas na ipinalabas ng OCD.
Mga bahagi ng Luzon, lalo na ang Batangas at Bicol Region, ang nananatiling sumusuray pa rin sa epekto ng Severe Tropical Storm Kristine.
Hinagupit naman ng Super Typhoon Leon ang northern Luzon, partikular na ang Batanes province, kalagitnaan noong nakaraang linggo.
Ang Batanes ay hinagupit din ng Super Typhoon Julian noong unang linggo ng Oktubre. Kris Jose