Home METRO Barangay chairman, 2 tanod kinasuhan sa napatay na aso

Barangay chairman, 2 tanod kinasuhan sa napatay na aso

BATANGAS- Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa sa Republic Act 10631 o Philippine Animal Welfare Act of 2013 ang isang barangay chairman at dalawa nitong tanod matapos umanong mapatay ang isang Siberian Husky dahil sa manok, noong Sabado sa bayan ng Cuenca.

Kinilala ang mga suspek na sina Elmer, 50-anyos, barangay chairman, at ang mga tanod na sina Rodolfo at Edison, ng Barangay Bungahan, Cuenca, Batangas.

Batay sa report ng pulisya, naganap ang insidente noong Sabado ng gabi, Mayo 17, 2025, kung saan tumalon umano mula sa kulungan ang nasabing aso at pumasok sa bahay ni Elmer, saka kinagat nito ang isa sa mga alaga niyang manok.

Sinubukang bugawin ni Elmer para bitawan ang alaga nitong manok subalit hindi ito pinakawalan ng aso.

Dahil dito, hinampas ni Elmer ang aso gamit ang isang kahoy upang pakawalan ang manok, at inatasan ang kanyang mga tanod na dalhin ang sugatang aso sa dog pound para raw sa “safekeeping.”

Kinabukasan, ipinaalam ng mga tanod sa may-ari ng aso, si Alma, 42-anyos, na patay na ang kanyang alaga at kailangang kunin ang bangkay nito.

Agad itong iniulat ni Alma sa pulisya at dinala ang bangkay ng aso sa isang beterinaryo para sa pagsusuri.

Lumabas sa resulta na namatay ang Siberian Husky dahil sa matinding blunt trauma sa bahagi ng kaliwang mata, na naging sanhi ng matinding pagdurugo at pagluwa ng mata.

Habang sinusulat ang ulat na ito ay wala pang pahayag ang tatlong suspek. Mary Anne Sapico