MANILA, Philippines Ipinagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon ng Duterte Youth at Bagong Henerasyon Party-list.
Sa ginanap na proclamation ceremony sa Manila Hotel Tent City, pormal na inihayag ni Comelec Chairman George Garcia ang pagsuspinde sa poklamasyon ng dalawang party-list groups dahil sa mga nakabinbing kasong isinampa laban sa kanila sa poll commission.
Nauna rito, sinabi ni Garcia na mayroong dalawang party-list groups na hindi maipoproklama sa opisyal na seremonya at ipinaliwanag na reresolbahain muna ng Comelec ang mga nakabinbing kaso laban sa kanila dahil mayroon silang sapat na oras para gawin ito dahil ang termino ng mga bagong halal na opisyal ay magsisimula sa Hunyo 30 o higit isang buwan simula ngayon.
Para sa 20th Congress, sinabi ni Garcia na mayroong 63 pwesto sa Kamara de Repsentate para sa party-list representatives.
Sinabi ni Garcia na ang 63 pwesto ay inookupa ng mga kinatawan mula sa 54 na party-list groups dahil tatlong party-list groups ang magkakaroon ng tig-tatlong kinatawan, at isa pang tatlong party-list groups na may tig-dalawang kinatawan dahil lumampas sila sa inisyal na threshold na 2% ng mga boto na ibinigay para sa party-list race ayon sa itinatakda ng batas at desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Banat laban sa Comelec. Jocelyn Tabangcura-Domenden