SULTAN KUDARAT- ARESTADO ang isang punong barangay matapos makuhanan ng armas sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad kahapon, Oktubre 17 sa bayan ng Lambayong.
Kinilala ang nadakip na suspek na si Norodin Utto Jr., 35, residente ng Barangay Poblacion, Lambayong, Sultan Kudarat subalit naninilbihan ito bilang Punong Barangay sa Panadtabah Rajah Buayan, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Capt. Jayson Cepeda, hepe ng Lambayong Municipal Police Station, bandang 3:00 PM nang madakip ang suspek sa loob ng bahay nito.
Bitbit ng mga awtoridad ang arrest warrant na ipinalabas ng korte laban sa suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Kusa naman sumama sa mga pulis ang suspek at pinayagan ito ng korte na makapagpiyansa ng P 10,000 para sa pansamantala nitong kalayaan. Mary Anne Sapico