LANAO DEL SUR-HINDI na nakarating pa sa dadaluhan na graduation ceremony ang isang barangay chairman matapos tambangan at pagbabarilin ng armadong kalalakihan habang sugatan ang kasama nito, kahapon ng umaga, Abril 9 sa bayan ng Malabang.
Kinilala ang nasawing biktima na si PB Binhar Julambre Alon Jawad, 25, ng Barangay Baraas, Picong Lanao del Sur.
Nagpapagaling naman sa ospital ang kasama nitong si Norhan Comilao Sarip, 20-anyos, matapos tamaan ng bala ng baril sa binti.
Ayon kay Lt. Colonel Jopy Ventura, tagapagsalita ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), bandang 9:50 AM naganap ang krimen sa Barangay Montay, Malabang, Lanao del Sur.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Jawad ang kanyang kulay itim na Toyota Fortuner- S7X340 sakay si Sarip patungong Barangay Bacayawan Malabang, Lanao del sur para dumalo ng isang Graduation Ceremony.
Pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lamang pinaulanan ng bala ng baril ng limang armadong kalalakihan at tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan si katawan saka mabilis na tumakas ang mga suspek.
Isinugod naman ng mga rumespondeng awtoridad ang mga biktima sa ospital subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga si Jawad habang patuloy na nilapatan ng lunas si Sarip.
Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng mga basyo mula sa caliber 5.56 na hinihinalang ginamit sa krimen.
Nagpapatuloy ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya para malaman ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek sa agaran pagdakip. Mary Anne Sapico