MANILA, Philippines – Nanawagan si Transportation Secretary Vince Dizon na imbestigahan ang emergency landing ng eroplano ng Philippine Airlines sa Haneda Airport sa Japan dahil sa usok sa cabin.
Sa ulat, nag-emergency landing sa Haneda Airport ang PAL Flight PR102, na patungong Los Angeles matapos na magbuga ng usok ang air conditioning unit ng eroplano.
“Importante po talaga , lalo na sa ating mga airlines — kailangan po talaga alagaan ang safety and comfort ng mga pasahero and we will have to look at what happened there,”ani Dizon sa isang press conference.
“I’ve already instructed CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines) and the Civil Aeronautics Board to really look at what happened and see kung ano ba nangyari sa eroplano and sa actions ng PAL because of this incident,” dagdag pa.
Ani Dizon, nakababa na ng eroplano ang mga pasahero at naghahanap na ang PAL ng ibang flight na magdadala sa mga pasahero patungong Los Angeles.
Nagpasalamat naman sa Embassy of Japan si Dizon sa suporta nito sa mga pasahero. RNT/JGC