Home METRO Buntis patay sa saksak ng live-in partner, itinapon sa basurahan

Buntis patay sa saksak ng live-in partner, itinapon sa basurahan

MANILA, Philippines – Patay ang isang ginang na limang buwang buntis matapos saksakin at basta na lamang itinapon sa tambak ng basura sa kahabaan ng Juan Luna St., Tondo, Manila.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay 61, makikita ang isang tricycle na may itinapon sa lugar madaling araw ng Martes.

Inakala umanong basura ang itinapon ng driver na napag-alamang kinakasama ng biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, posible umanong sa loob ng tricycle pinagsasaksak ang 28-anyos na biktima.

Naisugod pa ang biktima sa Ospital ng Tondo pero idineklara na itong patay ng attending physician dahil sa tinamong mga saksak sa katawan.

Sinasabing palagi umanong mag-away ang dalawa dahil pinagdududahan ng suspek ang biktima na may ibang lalaki kaya nagawa ang krimen.

Sa follow-up operation ng pulisya, natunton ang suspek sa Baliuag, Bulacan kasama ang isa nitong anak.

Ayon sa taga-barangay, nasangkot na rin ang suspek sa nangyaring hostage taking sa C.M Recto Avenue noong Pebrero.

Hawak na ng MPD-Homicide Section ang suspek na nahaharap sa kasong murder. Jocelyn Tabangcura-Domenden