MANILA, Philippines -HINDI KATANGGAP-TANGGAP ang mga malalaswang salita o mga sekswal na konteksto na ginagamit ng mga kandidato sa kanilang mga political speeches, naratibo at pagbibiro sa kanilang mga pangangampanya.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na dapat na mapanatili ng bawat isa, ng bawat kandidato lalong-lalo na ang mga kandidato na nagnanais na maging lider ng bansa ang respeto, integridad at katotohanan sa kanilang mga sinasabi habang sila ay nagbibigay ng kanilang mga pangako sa kanilang mga constituents at sa mga botante.
Ikinatuwa naman aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mabilis na pag-aksyon ng Commission on Elections (Comelec) patungkol sa mga walang karespe-respetong pananalita ng ibang mga kandidato.
Sa ulat, sinabi kasi ng Comelec na nakahanda itong maghain ng show cause order sa mga kandidatong gumagamit ng mga sexist na mga pahayag sa kanilang mga political speeches.
Babala ito ni Comelec Chairman George Erwin Garcia matapos na mag-viral ang isang kandidato na nagiwan ng isang malaswang biro sa mga single moms sa isa sa kaniyang mga political rallies.
Sa isang pahayag, binigyang diin ni Garcia na walang puwang sa lipunan ang ganitong klase ng mga malalaswang pahayag lalong-lalo na ang gender discrimination sa mga political campaigns.
Aniya, agad na bubuo ng resolution ang kanilang komisyon para sa konsiderasyon na gawing ligtas sa publiko ang mga campaign rallies, mga election precincts at maging mga canvassing centers para mapaigting ang anti-discrimination guidelines ng kanilang opisina na siyang tatalakayin sa isang Comelec En Banc sa sususnod na linggo.
Sinabi pa ni Castro na hindi aniya dapat gawing idolo ang mga kandidato, ang mga lider na nagsasalita ng walang karespe-respeto lalung-lalo na sa mga kababaihan, ipinagmamalaki at ginagawang katatawanan, ginagawang joke ang pambababae ng mga kalalakihan, ginagawa ring isyu at katatawanan ang mga rape na sitwasyon.
“Hindi na po ito dapat, hindi po dapat na gawing idolo ang mga ganitong klaseng tao, hindi po dapat ito pamarisan. Hindi na po dapat ito pinapalakpakan. Kung nagawa ito dati at pinapalakpakan, hindi na po sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Marcos na dapat itong mangyari,” ang winika pa ni Castro. Kris Jose