MANILA, Philippines – Dapat mag-ingat at laging mapagmatyag sa paligid at agad ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kasabay ng paalala lalo na sa mga Chinese-Filipino sa Pilipinas.
Sa Meet the Press forum, sinabi ni PAOCC Director Undersecretary Gilbert Cruz na kadalasang may kasamang pagbabanta ang kidnapping.
Ayon kay Cruz, dapat ireport agad ang anumang pagbabanta dahil dito aniya nagsisimula ang pagdukot.
Payo ni Cruz, kapag may kahina-hinalang sasakyan ay ireport agad sa pulis at kunin ang plate number.
Pinayuhan din niya ang mga Chinese-Filipino na palitan ang kanilang ruta sa pagbiyahe at magpalit ng sasakyan paminsan-minsan upang makaiwas sa posibleng pagdukot.
Importente aniya ang pag-iingat at advanced thinking.
Ang pahayag ni Cruz ay kaugnay na rin sa kinumpirma ng Philippine National Police nitong Huwebes na natagpuang patay sa Rodriguez, Rizal sina Filipino-Chinese businessman Anson Que, may-ari ng Elison Steel sa Valenzuela City, at ang kaniyang driver.
Sa ulat, ang dalawa ay dinukot umano noong Marso 29, nakapag-ransom ngunit tinuluyan pa rin silang pinatay ng mga dumukot.
Isinilid ang kanilang bangkay sa nylon bag at binalutan ng duct tape ang kanilang mukha. Jocelyn Tabangcura-Domenden