Home NATIONWIDE Pagpapabilis ng benepisyo sa pamilya ng mga nasawing sundalo, pulis tiniyak ni...

Pagpapabilis ng benepisyo sa pamilya ng mga nasawing sundalo, pulis tiniyak ni PBBM

MANILA, Philippines- Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Miyerkules na pabibilisin ang pagproseso ng mga benepisyo ng mga naiwang kapamilya ng uniformed personnel na namatay habang ginagampanan ang tungkulin.

Inihayag ito ni Marcos sa Camp Aguinaldo, kung saan nakiisa siya sa mga pamilya at benepisyaryo ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) na nasawi o nasugatan sa mga operasyon.

“Hindi siguro tama ‘yan. Dahil bakit naman mahaharang ang ating ibinibigay na tulong sa mga pamilya ng mga nasawi? Bakit mahaharang dahil marami masyadong hinihingi na dokumento, marami masyadong proseso? Ang puno’t dulo ay nagiging matagal na, nagiging masyadong matagal ang pagbigay ng mga benepisyo na ito,” giit ng Pangulo.

Kasabay ng ika-83 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan o Day of Valor, sinabi ni Marcos na pinadali ng gobyerno ang pagproseso ng mga nasabing benepisyo.

“Kaya’t kayo mga beneficiaries ng ating mga programa, para sa mga pamilya ng mga nasawi habang sila’y nagseserbisyo sa bansa, ay ngayong araw na ito masasabi ko, maibibigay na namin lahat ng hinihintay ninyo na napakatagal,” aniya.

“Tinitiyak po natin na lahat ng pamilya na nawalan ng mahal sa buhay ay mabigyan ng kanilang benepisyo sa pinakamadaling panahon at sisimulan po natin ngayong araw,” patuloy ni Marcos. RNT/SA